CAUAYAN CITY – Naglalabas na ng warning alert ang gobynero sa pamamagitan ng SMS sa mga taga-Hong Kong may kaugnayan sa kanilang paglayo sa mga pagamutan na pinagdadalhan sa mga nagpopositibo sa COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni MJ Lopez, OFW sa Hong Kong na lalong hinigpitan ang mga ipinapatupad na health protocols sa Hong Kong dahil sa pagdami ng tinatamaan ng virus.
Inulat din ni Lopez na sa ngayon ay nagpa-panic ang mga residente sa Hong Kong dahil habang lumilipas ang mga araw ay dumarami ang nagpopositibo dahil sa Omicron variant.
Nag-aagawan anya ang mga residente sa pagbili ng mga pagkain kaya’t posible pa rin ang hawaan.
Umaabot anya sa 30,000 ang naitatalang kaso sa loob lamang ng isang araw at walang pinipiling kinakapitan bata man o matatatanda.
Magkakaroon anya ng mass testing upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng kaso.
Kaugnay naman sa mga OFW na nagpopositibo ay hindi basta maaring abandonahin ng kanilang mga employer dahil binigyan na sila ng babala ng pamahalaan ng Hong Kong na mananagot sila sa ilalim ng kanilang batas.