Mula sa stock market hanggang sa pinaka-maliit na negosyo, hindi na mapagkakaila ang naging negatibong epekto ng malawakang pagkilos ng mga pro-democracy protesters sa Hong Kong.
Umabot na sa ika-79 na araw ang pag-okupa ng mga nag-aalsa sa malaking bahagi ng lungsod kung saan sinasalubong sila ng mga otoridad na may inihandang water cannons at tear gas.
Direktang inamin ni Hong Kong leader Carrie Lam na mas lalong nagiging seryoso ang krisis na kinakaharap ng kaniyang lungsod kasabay ng unti-unting pagbagsak ng kanilang ekonomiya.
Sa kabila nito, inihayag ni Lam ang kaniyang kumpiyansa na kakayanin ng Hong Kong government mag-isa na masolusyonan ang walang tigil na kaguluhan. Naging matigas din si Lam sa kaniyang desisyon na hindi bukas ang kaniyang pintuan upang magsagawa ng dayalogo kasama ang mga raliyista.
Dagdag pa nito, hindi pa raw ngayon ang tamang panahon upang dinggin ang panawagan ng mga nag-aalsa upang magsagawa sila ng imbestigasyon hinggil sa naturang krisis.