Sinampahan na ng kaso ang overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong matapos itong hulihin ng mga Hong Kong authorities dahil sa di-umano’y pakikiisa nito sa malawakang kilos-protesta sa lungsod.
Sa pagharap nito kay Kowloon City Magistrate Raymond Kwok, iginiit ng abogado ng nasasakdal na inosente ang kaniyang kliyente.
Kinilala ang Pinoy na si Jethro Pioquinto, 36-anyos, at isang dancer sa Hong Kong Disneyland.
Napadaan lamang aniya si Pioquinto sa Mong Kok upang bumili ng kaniyang pagkain sa isang convenient store.
Dahil dito, pinayagan na makapag pyansa ang Pinoy sa halagang $2,000 (P13,000) ngunit hindi naman dininig ang kaniyang pakiusap na payagan siyang ituloy ang kaniyang isang linggong bakasyon sa Pilipinas.
Napag-alaman na bago siya hulihin ng mga otoridad ay nakabili na ito ng plane ticket pauwi ng Pilipinas upang sana ay magbakasyon sa kaniyang pamilya na naninirahan sa Marikina City.
Ayon din kay Kwok, seryoso umano ang mga alegasyon laban kay Pioquinto kung kaya’t hindi nila maaaring payagan na lumabas ng Hong Kong.
Isa umano si Pioquinto sa mga raliyista na pumalag matapos itong paulit-ulit na bigyang babala ng mga otoridad na huwag makisali sa kilos-protesta.
Depensa naman ng abogado ni Pioquinto, hindi raw marunong magsalita ng Cantonese ang nasasakdal kung kaya’t hindi nito kaagad naintindihan ang sinasabi ng pulis.
Wala rin daw nakitang mga protest paraphernalia sa mga gamit na dala ng biktima noong oras na mahuli ito.
Kinakailangan din na regular na magreport si Pioquinto sa Mong Kok police station at pinatawan din ito ng curfew mula 12 a.m. hanggang 6 p.m.
Haharap muli sa korte ang Pinoy sa Setyembre 30 upang malaman kung itutuloy pa ng mga pulis ang kaso laban dito. Posibleng makulong si Pioquinto ng hanggang limang taon alinsunod sa Public Order Ordinance ng Hong Kong.