BUTUAN CITY – Kinumpirma ng ilang overseas Filipino workers (OFWs) sa Hong Kong na tangi nilang ikinababahala ay ang posibilidad na lilipat ng tirahan sa ibang bansa ang kanilang mga employer.
Ito’y kaugnay sa tumitinding pro-democracy rally sa Hong Kong na nagsimula noong inihain ang kontrobersyal na Extradition Bill.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Jen, taga-Agusan del Norte pero kasalukuyang nagtatrabaho at nakatira sa Midlevel Central Hong Kong Island, malinaw sa kanila ang advisory ng Philippine Consulate na hindi sasali sa mga rally.
Pinayuhan din sila na kung hindi maiiwasang dumaan sa lugar na may kaguluhan, kailangang iwasan ang pagsusuot ng kulay puti at itim na T-shirt upang hindi na maulit pa ang nangyari sa isang OFW sa Mongkok na hinuli sa kanyang pag-uwi mula sa trabaho matapos magsuot ng color coding shirt.
Kung maperwisyo na aniya ang kanilang employers at magdesisyong lilipat na ng ibang bansa, otomatiko na ring mapuputol ang kanilang kontrata ngunit mananatili pa rin sila sa Hong Kong at kailangang maghanap na lang ng ibang employer.