-- Advertisements --

Tiniyak ni Hong Kong Economic and Trade Office (HKETO) director-general Libera Cheng ang commitment nito para mapalakas pa ang economic partnership sa pagitan ng Pilipinas at Hong Kong.

Ang Hong Kong ay isang special administrative region ng China (HKSAR), ang pangunahing kaagawan ng Pilipinas sa mga teritoryo nito sa West Philippine Sea (WPS).

Sa isang pahayag, sinabi ni Cheng na nais ng Hong Kong na panatilihin ang ‘mutually beneficial relationship’ nito sa Pilipinas, sa kabila ng mga kasalukuyang global development.

Aniya, ang pagbuo ng matatag na partnership sa pagitan ng dalawa ay isa sa mga pangunahing target ng Hong Kong.

Inihalimbawa naman ni Cheng ang patuloy na paglakas ng bilateral trade sa pagitan ng Pinas at Hong Kong kung saan nitong nakalipas na taon ay umabot ito sa $13.9 billion.

Ito ay katumbas ng 2.3% na annual increase na napanatili pa mula noong 2020.

Dahil dito, ang HKSAR ang ikalimang pinakamalaking trading partner ng Pilipinas, bagay na nais mapanatili aniya ng naturang estado.