-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinokonsidera ngayon ng Mindanao Container Port (MCP) na mas mapanganib para sa kalusugan ng tao at kalikasan ang nadiskobre na electronic wastes o imported garbage na nagmula sa Hong Kong sa bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental.

Ito ay matapos inamin ni MCP collector John Simon na unang dumaong sa puerto ng lalawigan ang kargamento mula sa Hong Kong sa buwan ng Pebrero nitong taon.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Simon na ipinuslit ang container van na puno ng electronic garbage sa grupo ng Chinese businessmen na hindi matukoy ang mga tinitirahan sa bansa.

Inamin ng opisyal na mas malubha ang epekto ng mga basurang ito para kalusugan ng tao at kalikasan kumpara sa mga imported wastes na pinalusot ng Verde Soko Philippines mula South Korea at processed engineered fuel ng Holcim Philippines Incorported na nanggaling naman sa Australia.

Naniniwala ang Customs na inisyal na hakbang pa lamang ito ng mga sindikato na pagpupuslit na sa buong pag-aakala ay makakalusot sa daungan ng Misamis Oriental.