-- Advertisements --

Nilinaw ngayon ng Commission on Elections (Comelec) na wala silang ipapataw na buwis sa honoraria ng mga gurong magsisilbi sa May 13 elections.

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, nakasaad sa rules and regulations ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na walang ipapataw na buwis sa mga magsisilbing miyembro ng Electoral Boards (EBs).

Kailangan nga lamang aniyang maihain ng mga guro sa Comelec ang kaukulang dokumento na nagpapatunay ng kanilang pagsisilbi sa halalan at hindi lalampas sa P250,000 ang threshold ng kanilang isang taong sahod.

Nasasaad din umano ito sa Republic Act No. 10756 o ang batas na nagtatakda ng kumpensasyon at benepisyo sa mga public school teacher na magsisilbi sa eleksyon.

Sa mga gurong hihigit pa sa itinakdang threshold ng sahod at makatatanggap pa ng karagdagang kumpensasyon sa halalan, ang Comelec na aniya ang magkakaltas ng buwis bilang withholding agent sa ilalim ng BIR rules.

Alinsunod sa Election Service Reform Act, ang isang EB chairperson ay makatatanggap ng honoraria na aabot sa P6,000; EB Members, P5,000; DepEd Supervising Officer (DESO), P4,000 at DESO Support Staff, P2,000.

Bukod pa ito sa P1,000 na tatanggapin bilang travel allowance

Una rito ay nagsagawa ng protesta ang mga guro laban sa isyu ng pagbubuwis sa kanilang tatanggaping honoraria sa midterm elections.