Asahan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na haharangin muli ng ilang senador ang panukala nitong pagbabalik ng death penalty bilang parusa sa mga kriminal.
Ito ang sinabi ni Sen. Risa Hontiveros sa isang panayam matapos himukin muli ng pangulo ang Kongreso na magbalangkas at magpasa ng panukalang batas kaugnay ng parusang bitay.
Ayon sa senadora, hindi nila hahayaang makuha agad ng pangulo ang hiling nito at nangako ng patas na laban kontra sa isinusulong na polisiya.
Kung maaalala, bigong pumasa sa mataas na kapulungan noong 17th Congress ang death penalty bill.
Ito ay sa kabila ng mabilis na paglusot nito sa Kamara.
Giit ni Hontiveros, pagpapatibay sa criminal justice system ang kailangan para masugpo ang mga kaso ng krimen ng bansa at hindi ang pagkitil sa buhay ng mga salarin.