-- Advertisements --
Senator Hontiveros

Hinimok ni Senador Risa Hontiveros ang Department of Energy (DOE) at ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na pag-ibayuhin at maagap na tugunan ang napipintong krisis sa kuryente sa bansa.

Idinagdag niya na dapat maging tapat at transparent ang DOE at NGCP sa tunay na sitwasyon ng suplay at singil sa kuryente sa mga darating na araw kasunod ng hindi inaasahang blackout sa buong Luzon at Visayas dahil sa naging problema sa Bolo-Masinloc transmission lines ng NGCP.

Hindi lamang naapektuhan ng aberya ang supply sa Luzon, kundi pati na rin ang Visayas, na numinipis na rin ang suplay ng kureynte mula noong nakaraang linggo.

Kinailangan ng Manila Electric Company (MERALCO) na magpatupad ng manual load dropping, dahilan para ilang minutong mawalan ng kuryente ang maraming lugar.

Ayon kay Hontiveros, lumilitaw na pinasakay lang ang Senado ng mga opisyal ng sektor ng enerhiya, partikular na si Secretary Lotilla, na tiniyak na mananatiling sapat at natatag ang suplay ng kuryente sa bansa, ngunit tila salungat ito sa kasalukuyang sitwasyon. .

Nagpahayag din ang Senador ng pagkabahala na ang lumalalang krisis sa kuryente ay magagamit bilang basehan na ang nuclear power ang tanging solusyon sa mga problema sa suplay.

Ayon kay Hontiveros, sa halip na isama ang nuclear power sa kasalukuyang power mix na hindi man lang mapamahalaan ng maayos, dapat unahin ng gobyerno ang mabilis na pag-unlad at pag-deploy ng mga distributed renewable energy system na mas ligtas at mas matatag na pagmumulan ng enerhiya.