Pinasalamatan ni Senadora Risa Hontiveros si Pangulong Ferdinand Marcos Jr dahil sa pagpupursige nito na mapigil na patawan ang ating kababayan na si Mary Jane Veloso ng parusang bitay sa Indonesia.
Bagama’t aniya madiditene pa rin si Veloso sa piitin sa bansa, ang mahalaga ngayon ay mas mapapalapit na siya sa kanyang pamilya, kaibigan at mahal sa buhay.
Ayon pa kay Hontiveros, ang mapait na pinagdaanan ni Veloso sa Indonesia ay dagdag na rason na ilaban ang mga reporma sa mga batas tungkol sa problematic drug use.
Dahil nasa kamay ng pangulo ang desisyon na mapagkalooban si Veloso ng clemency, dagdag raw na pagpapasalamat ng senadora kung ito ay pinag-aaralan ng pangulo at ipagkaloob ito kay Mary Jane.
Giit pa ni Hontiveros, dapat ding bigyan ng dagdag na proteksyon sa buhay si Mary Jane ng mga otoridad sa gitna na rin ng takot ng kanyang pamilya na baka balikan ng sindikato si Mary Jane.