Nananawagan si Senator Risa Hontiveros sa Department of Migrant Workers (DMW) na maglagay ng mas maraming support mechanism para sa mga babaeng migranteng manggagawa, lalo na sa mga buntis, na nakakaranas ng gender-based na karahasan mula sa kanilang mga employer at recruitment agencies.
Sinabi ng senador, na siyang Chair ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, na ang mga kababaihang Overseas Filipino Workers (OFWs) ang madalas na target ng karahasan.
“There is an increase of employment of female migrant workers, particularly in gender-based occupations and sectors such as domestic work, entertainment, garments industry, and electronic assembly. We need stronger mechanisms to help protect them throughout the whole process, mula sa recruitment hanggang deployment at repatriation,” ani Hontiveros.
Sa unang budget hearing ng bagong tatag na ahensya ng gobyerno, binanggit ni Hontiveros ang mga napakapait na kaso ng mga Pinay domestic worker na pinilit ng kanilang mga recruitment agencies na sumailalim sa aborsyon kapag nabunyag ang kanilang pagbubuntis.
“I’m just hoping and confident na DMW will look into the more detailed circumstances nito para maproteksyunan ang ating mga kababayan laban sa ganyang mga forced abortion,” sabi niya.
Sa 18th Congress, ibinulgar ni Hontiveros ang mga kaso ng forced abortion at human trafficking sa mga babaeng OFW.
Nagpaabot ng tulong ang senador sa isang babaeng OFW na biktima ng human trafficking na pinilit ng kanyang ahensya na magpalaglag bago magtungo sa Syria. Ang isa pang babaeng domestic worker sa Saudi Arabia, ani Hontiveros, ay nakaranas din ng parehong kapalaran.
“I would like to know, how equipped are our shelters abroad in caring for pregnant OFWs in situations of distress? Mayroon po ba tayong protective care para maituloy ang pregnancy? Doon naman sa natuloy na yung forced abortion, kaya ba siyang suportahan kung gusto niyang habulin ang hustisya laban sa kanyang recruitment agency o employer?” tanong niya.
Sa pagdinig, tinanggap ng Senador ang pangako ng DMW na maglagay ng isang espesyal na hotline na maaaring tawagan at hingian ng tulong ng mga distress na buntis na OFW.
Sinuportahan din ni Hontiveros na dagdagan ang alokasyon ng pondo ng ahensya. Para sa kanya, ang mga migranteng manggagawa ay nararapat na bigyan ng maayos na serbisyo at matatag na suporta ng pamahalaan lalo pa’t hindi matatawaran ang kanilang kontribusyon sa ekonomiya.
“Just for 2021, the remittances of our OFWs reached $34.8 billion, or P1.74 trillion. That’s 20 percent of the total national government budget now being proposed under the current National Expenditure Program. And yet, the new department that is supposed to take care of our fellow Filipinos has to make do with a much smaller recommended budget,” aniya.
“Matagal nang nabibiktima ang mga kababayan natin dahil hindi natututukan ang kanilang kaligtasan. I am hopeful that this new department created for them can change that.”