-- Advertisements --

Muling ipinaalala ni Senator Risa Hontiveros ang kahalagahan ng mental health programs lalo na sa mga kababayan nating nakaligtas mula sa hagupit ng mga nagdaang bagyo.

Dahil na rin sa sunod-sunod na kalamidad at krisis na dulot ng coronavirus pandemic ay hindi umano imposible na makaranas na rin ang publiko ng mental health crisis kung hindi kaagad ito aaksyunan.

Ayon pa sa may akda ng Mental Health Act. dapat ay pagtuunan din ng pansin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na paigtingin pa ang mental health programs para sa mga biktima ng kalamidad.

Kailangan din aniya na ipagpatuloy ang nasabing programa sa oras na makaalis na sa mga evacuation centers ang mga evacuees.

Masyado raw kasing mabagal ang implementasyon ng mga disaster-related mental health programs simula noong iulat na sinisimulan nang balangkasin ng DSWD at Department of Health (DOH) ang guidelines para rito.

Dagdag pa ng senador na bunsod na rin ng anxiety at depression ay mas nagiging mahirap para sa mga evacuees na maka-recover mula sa trahedya na kanilang naranasan. Malubha kasi nitong maaapektuhan ang kanilang trabaho, pamilya at pag-aaral.

Mas makabubuti umano na one-time, big-time ang matatanggap nilang tulong mula sa pamahalaan. Kailangan ding imonitor ng DSWD na natatanggap ng mga evacuees ang nararapat na therapy at gamot na kanilang kinakailangan.