Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa gobyerno na tulungan ang mga Pilipinong maaaring maharap sa deportasyon mula sa Estados Unidos, kasunod ng ipinatutupad na crackdown ng administrasyong Trump sa mga imigrante.
Ayon kay Hontiveros, may obligasyon ang pamahalaan ng bansa na protektahan ang lahat ng Pilipino saan man sila sa mundo.
Giit ng senadora, kung may mga Pilipinong tuluyang ma-deport pabalik ng Pilipinas, dapat handa aniya ang gobyerno para tanggapin at suportahan sila.
Kinalampag din ni Hontiveros ang Embahada ng Pilipinas sa US at sa mga konsulado nito na maglaan ng kaukulang budget, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers, bilang paghahanda sa posibleng pagpapauwi ng mga Pilipino.
Ang pahayag na ito ay matapos makipagpulong ni Hontiveros sa mga pinuno ng Asian Pacific American Labor Alliance (APALA), na ibinahagi ang kalagayan ng mga Pilipinong nanganganib na sapilitang maalis sa US.
“Huwag nating hayaang maabuso ang mga kababayan natin sa Amerika. Their rights under US immigration laws should be made known to them and the PH government should help them exercise those rights,” ani ni Hontiveros.