Nananatiling mataas ang pag-asa ni Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao na papahintulutan ng FIBA si Jordan Clarkson na makapaglaro sa national team bilang isang local.
Ito’y kahit aminado ang veteran tactician na paliit na umano nang paliit ang tsansa na makuha ang serbisyo ng Cleveland Cavaliers guard lalo pa’t ilang linggo na lamang ay magbubukas na ang 2019 FIBA World Cup.
Sa ngayon kasi ay malabo pa ang eligibility ni Clarkson sa FIBA World Cup at kinakailangan nitong maideklara bilang local dahil si Andray Blatche na ang naturalized player ng Pilipinas.
Sang-ayon sa panuntunan ng world governing body ng basketball, isang naturalized cager lamang ang papayagan ng isang national squad.
Ayon kay Guiao, magbibigay daw ito ng deadline kay Clarkson hanggang isang linggo bago ang pagbiyahe nila patungong China.
Lilipad kasi patungong Beijing ang Gilas sa Agosto 29 upang makadalo sa opening ceremony ng World Cup kinabukasan.
Paliwanag pa ni Guiao, sakaling mabigyan ng go signal ng FIBA, kailangan pa nitong magsanay ng isang linggo kasama ang Pinoy cagers.
Maalalang sinuot ni Clarkson ang national team colors noong 2018 Asian Games matapos makakuha ng special clearance sa NBA.