Nakatakdang magsagawa ng espesyal na pagdinig ang House of Representatives sa darating na Marso 9, sa susunod na linggo.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa nakaka-alarmang walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Ayon kay Ways and Means Committee chairperson at Albay Representative Joey Salceda, tatalakayin sa naturang pagdinig ang epekto ng fuel hike sa inflation, trade at commodity, maging agrikultura.
Pag-uusapin din sa pagpupulong ang epekto nito sa supply at demand ng bansa, sektor ng transportasyon, at pati na rin ang iba’t-ibang paraan sa pagsusulong ng fuel excise tax at iba pa.
Ayon pa kay Salceda, inatasan na ni ni Speaker Lord Allan Velasco ang House commitees on Economic Affairs, Energy, Transportation at Ways and Means na bumuo ng Fuel Crisis Ad Hoc Committee na siyang hahawak sa mga paglilitis.
Kabilang rin sa mga dadalo sa naturang pagpupulong ay ang mga economic managers at iba pang ahensya ng gobyerno upang mapag-usapan ang mga epektibong hakbang at paraan na maaaring agad na gawin ng pamahalaan ukol dito.
Hihilingin rin aniya ng komite sa mga kinauukulang ahensya ang timeline kung kailan ilalabas ang fuel subsidy para sa mga magsasaka, mangingisda, at drivers.