Hindi na umano pipirma pang muli ng kontrata si center Al Horford sa Boston Celtics sa sandaling mag-umpisa na ang free agency.
Ayon sa mga sources, posibleng lumagda ng apat na taong kontrata si Horford sa panibagong team sa darating na summer.
Naghahanda na rin umano ang Celtics sakaling ituloy nina Horford at All-Star Kyrie Irving ang kanilang paglisan sa franchise para maging free agents.
Una rito, mas pinili ni Horford na hindi na gamitin ang kanilang $30.1-million option para sa 2019-20 season.
Habang patuloy naman ang komunikasyon ni Irving sa mga top officials ng Celtics organization mula nang magtapos ang 2018-19 season.
Inaasahang magtatawid-bakod si Irving sa Brooklyn Nets.
Si Horford ay may average na 13.6 points at 6.7 rebounds nitong nakalipas na season, na kanyang ikatlong taon sa Boston mula nang umalis ito sa Atlanta para sa apat na taong kontrata na nagkakahalagang $113 million sa Celtics.