Kabilang sa mga bagong namataang mga barko ng China na nasa Escoda o Sabina shoal ang isang hospital ship at rescue vessel ayon sa Philippine Coast Guard.
Tinukoy ng PCG ang naturang Chinese rescue vessel bilang Nan Hai Hui subalit hindi na nagbigay pa ng karagdagang impormasyon ang PCG kaugnay sa naturang Chinese rescue vessel at sa hospital ship gayundin kung kailan dumating ang mga ito sa Escoda shoal.
Subalit ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na pinaparami ng China ang kanilang presensiya sa Escoda shoal dahil naniniwala silang mananatili na doon ang barko ng PH na BRP Teresa Magbanua.
Matatandaan na muling tumaas ang tensiyon sa pagitan ng PH at China matapos ang banggaan ng mga barko ng 2 bansa sa Escoda shoal noong madaling araw ng Lunes, Agosto 19 na nagresulta ng pinsala sa mga barko ng PCG.
Samantala, namataan din sa naturang shoal ang isang CCG 4303 at 24 na Chinese maritime militia vessels.
Maliban pa sa mga barko ng China, may 4 ding fishing vessels ng Vietnam ang namataan sa bisinidad ng shoal.