Matapos ang halos 10 oras, naaresto na rin ng mga otoridad ang hostage taker na si Archie Paray, 31, matapos linlangin ito sa pamamagitan ng press conference sa Viramall, Greenhills, San Juan City.
Habang ligtas namang pinalaya ang mahigit sa 30 mga hostages na pawang mga empleyado ng mall. Ang sabi naman ng ilang otoridad aabutin ng 70 ang hinostage ng suspek.
Una rito, binigyan nang pagkakataon ang hostage taker na magsalita sa media at ilabas ang kaniyang mga hinaing.
Habang ang mga otoridad ay naghahanap lamang ng magandang tiyempo para siya ay ma-corner.
Habang nagsasalita si Paray, dito na nakakuha ng magandang pagkakataon at agad na sinunggaban ng mga pulis na naka-civilian clothes na mga miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team ang hostage taker at saka pinosasan.
Bandang alas-8:16 ng gabi nang magdesisyon ang hostage taker na palayain ang kaniyang mga bihag matapos ang mahaba habang oras ng negosasyon.
Sa pahayag ni Paray, nagdesisyon siyang manghostage dahil sa mababang pagtrato raw sa kanila ng management dahil sila ay guwardiya lamang at ang umano’y talamak na korupsiyon sa Greenhills.
Dahil sa kaniyang pahayag pinalakpakan si Paray ng kaniyang mga kapwa security guard.
Samantala ayon naman kay San Juan City Mayor Francis Zamora noong kasagsagan ng negosasyon, tiniyak niya kay Paray ang kaniyang kaligtasan kapag isuko nito ang kaniyang bitbit na granada at baril at saka bumaba kasama ang mga hostages.
Ayon kay Zamora, “kailangan namin siyang i-relax at nais ng hostage taker na ilabas ang kaniyang sama ng loob sa pamamagitan ng media.”
Sinabi pa ng alkalde, nagsesenyasan sila ng mga pulis na hayaan siyang magsalita sa media at walang magpapaputok para walang masaktan.
Sa ngayon ligtas na ang suspek at kasalukuyang nasa kustodiya na ng San Juan Police.
Siniguro naman ng alkalde kay Paray na magiging okay siya pero sasampahan pa rin siya ng patung patong na mga kaso.
Kabilang sa posibleng kaso na kakaharapin ni Paray ay “illegal possession of explosives, illegal possession of firearms, frustrated murder, grave coercion at grave threat.”
Samantala, bago pa man palayain ng hostage taker ang mga hostages, humarap sa media ang kaniyang mga superior at humingi ng paumanhin sa hostage taker sa kanilang pagkukulang at tiniyak na sila ay magre-resign sa kanilang mga pwesto.
Iniulat naman ng San Juan City police office chief Colonel Jaime Santos na sa kabila na si
Paray ay limang taon na rin bilang security guard lumalabas na hindi pala ito nakarehistro sa PNP Supervisory Office on Security and Investigation Agencies (SOSIA) o bago pa man siya tanggalin ng Safeguard Armor Security Corporation (SASCOR) dahil sa pagiging absent without leave ng ilang linggo.