-- Advertisements --
chefs de mission sea games
Photo courtesy of Team Philippines SEAG 2019’s Facebook page

Buo ang suportang ibinigay ng mga kalahok na bansa ng 30th Southeast Asian (SEA) Games sa Pilipinas para sa nakatakda nitong pag-host ng naturang regional multi-sport event ngayong taon.

Bagama’t nakarating sa kanila ang isyu sa liderato ng Philippine Olympic Committee, tiyak naman daw ang 10 iba pang mga bansa na magiging matagumpay ang sinasabing pinakamalaking edisyon ng 60-taong kasaysayan ng Palaro.

Sinabi ng chef de mission ng Malaysia na si Sen. Datuk Megat Zulkarnain Omardin, natuwa raw ito sa ibinalita sa kanila ng Philippine South East Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) sa ginanap na ikalawang CDM meeting sa Hilton Hotel sa lungsod ng Pasay.

“I am personally quite happy [on seeing] what’s happening now. And definitely the first thing I’ll do back home is to call for a special meeting to tell that the Philippines is ready, and they are three-quarters there, we have nothing to worry back home,” wika ng opisyal.

Umaasa rin ang Malaysian senator na maibibigay ng Pilipinas ang nutrisyonal na pangangailangan ng mga Muslim athletes sa pamamagitan ng paghahanda ng mga pagkaing halal.

Para naman sa kinatawan ng Indonesia na si Harry Warganegara, ang ipinapakitang commitment ng Pilipinas ay maaaring magbigay daan upang mag-host ang bansa ng mas malalaki pang mga sporting events sa hinaharap.

“I think in the future, I believe the Filipinos can host the bigger games, the Asian Games, or even the Olympics. Why not?” ani Warganegara.

Tiniyak naman ni Games COO Ramon Suzara na “on track” ang pagtatayo ng mga pasilidad kung saan inaasahang sa darating na Setyembre o Oktubre inaasahang matatapos ang konstruksyon sa karamihan sa mga venues.

Ayon pa kay Suzara, 20 sports ang gaganapin sa Clark; 15 hanggang 18 events sa Subic; habang ilan sa mga major events gaya ng basketball, volleyball, at boxing ay idaraos sa Metro Manila.

Samantala, mag-oobserba naman daw ang Cambodia sa pag-host ng Pilipinas dahil gaganapin sa 2023 ang kauna-unahan nilang SEA Games hosting.

Matapos ang pulong, sunod na tutunguhin ng mga chefs de mission ang Pampanga at New Clark City sa Tarlac para sa ocular inspection sa mga game venues.