Inilipat na sa buwan ng Oktubre ang nakatakdang pag-host ng Pilipinas sa ika-10 bersyon ng ASEAN Para Games dahil pa rin sa patuloy na paglundag ng bilang ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Inilabas ang pasya kasunod ng ginanap na emergency meeting via video conference ng ASEAN Para Sports Federation Board of Governors sa pangunguna na Philippine Paralympic Committee president Mike Barredo.
Ayon sa pederasyon, itinakda na nila sa Oktubre 3 hanggang 9 ang petsa ng sporting event, sa kondisyon na hindi na magiging banta pa sa kalusugan ng mga tao ang COVID-19.
Binigyang-diin din ng lupon na tumatalima sila sa panuntunan at preventive measures na pinaiiral ng World Health Organization (WHO) at ng iba pang kaukulang mga ahensya upang mapigilan pa ang pagkalat ng sakit.
“APSF is adhering strictly to the guidelines and preventive measures stipulated by the World Health Organisation (WHO) and health authorities to help contain the pandemic in the respective ASEAN nations to protect the health, welfare and safety of all participating athletes, officials and contingents,” saad sa pahayag ng APSF na pirmado ni secretary Osoth Bhavilai.
Nakatakda na sanang idaos sa darating na Marso 21 hanggang 27 ang ASEAN Para Games, ngunit ipinagpaliban muna ito dahil sa banta ng coronavirus.
Sinabi pa ng APSF, magsasagawa pa sila ng isa pang pulong sa katapusan ng Hulyo upang magsagawa ng assessment sa COVID-19 situation sa Timog-Silangang Asya.
Dito ay kanilang pagpapasyahan kung itutuloy o hindi ang ASEAN Para Games sa panibago nitong petsa.