Itinuturing ng Philippine Olympic Committee (POC) na “world class” ang naging hosting ng bansa sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni POC president at Cavite Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, ang ginawang pag-host ng Pilipinas sa SEA Games ay maihahanay sa lebel ng mas malaking event gaya ng Asian Games.
Paliwanag pa ni Tolentino, maganda rin ang nakalap nilang mga resulta sa halos lahat ng aspeto ng palaro.
Nakadagdag din aniya ang pagiging overall champion ng Pilipinas sa biennial meet, na huling nangyari noong huling naging host ang bansa ng SEA Games noong 2005.
“Alam niyo naman po na sa tagal ng panahon, ito ang pinakamalaki at pinakamagandang SEA Games na nagawa,” wika ni Tolentino.
Nasaksihan sa 2019 SEA Games ang pagsasagawa ng 56 na sports, na pinakamalaki sa kasaysayan ng palaro.
Bagama’t marami aniyang naitalang mga aberya, nanindigan si Tolentino na normal lamang ito at nangyayari rin sa iba pang prestihiyosong mga kompetisyon.
Matatandaang kabi-kabilang mga problema ang sumalubong sa mga organizers bago at sa kalagitnaan ng SEA Games, gaya ng isyu sa transportasyon, at ang umano’y katiwalian sa hanay ng mga organizers.