Patuloy ang ikinakasang hot pursuit operation ngayon ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 9 laban sa pitong persons deprived of liberty na nakatakas mula sa kanilang mga bilangguan sa Zamboanga City.
Batay sa inisyal na ulat, natuklasan ng mga prison guard ang prison break ng naturang mga bilanggo bandang alas-2:45am na agad naman nilang ipinagbigay-alam sa kanilang mga kasamahang duty officer.
Sa isinagawang imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na nakatakas ang naturang mga suspek sa pamamagitan ng paggawa ng maliit na butas sa bahagi ng kisami ng kanilang piitan.
Dahil dito ay agad na bumuo ng tracker team ang mga otoridad na binubuo naman ng pinagsanib puwersang mga tauhan ng PDEA Regional Office 9 at Zamboanga City Police Office para sa agarang pagkadarakip muli sa mga nakatakas na bilanggo.
Kinilala ng mga otoridad ang mga nakatakas na preso na sina Wilson Indanan Sahiban, Junjimar Hajili Aiyob, Jimmy Angeles Sahibol, Kerwin Mohammad Abdilla, Albadir Mala Ajijul, Muhajiran Romeo Jumlah, at Amil Khan Mahadali Abubasar.
Nabatid na noong Mayo 3, 2024 magkakasamang naaresto ang naturang mga suspek sa kasagsagan ng ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba sa Barangay Mampang, Zamboanga City kung saan naman nasabat ang nasa 21.4kg na shabu na tinatayang may katumbas na halaga ng Php145.5million.