-- Advertisements --

10Pro

Nagpatupad ng lockdown ang PNP sa Tangub City sa Misamis Occidental habang nagpapatuloy ang ikinasang dragnet operations laban sa gunman na nasa likod ng sniper attack na ikinasugat ni Mayor Michael Gutierrez ng Lopez Jaena municipality na tumatakbong vice governor ng Misamis Occidental; dating Oroquieta City Mayor Jason Almonte kandidato bilang congressman ng 1st district at Rep. Henry Oaminal na nagtamo ng minor na sugat sa braso at sa likod ng kaniyang ulo.

Hindi naman dini-discount ng PNP ang posibilidad na pulitika ang motibo sa nasabing insidente dahil tatlong local political leaders ang sangkot sa insidente.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Roderick Augustus Alba, agad na nag-deploy ng dagdag na mga police personnel mula Provincial Mobile Force Company at Regional Mobile Force Battalion ng Police Regional Office-10 para tumulong sa local police doon sa pagtatag ng mga mobile checkpoints sa mga entry at exit points ng Tangub City.

Sinabi ni Alba, may mga security din na ibibigay ang PNP para sa tatlong biktima ng sniper attack habang nagpapatuloy ang pag-iimbestiga ng mga forensic investigators sa crime scene.

Samantala, mariing kinondena ni PRO-10 regional police director BGen. Benjamin Acorda ang nangyaring pag-atake sa tatlong pulitiko.

Hinimok naman ni Acorda ang mga indibidwal na nakakita sa insidente na magbigay ng impormasyon sa PNP o ireport sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya para sa ikalulutas ng kaso.