LEGAZPI CITY – Tuloy-tuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon at hot pursuit operations sa ngayon ng tropa ng militar at kapulisan kaugnay ng pagsabog sa Brgy. Anas, Masbate City.
Ikinasawi ng dalawang sibilyan habang isang menor de edad rin ang sugatan sa pagsabog ng isang landmine sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay 2Lt. Cielo Rose Dolorican, civil military officer ng 2nd Infantry Batallion ng Philippine Army, kumbinsido itong kagagawan ng New People’s Army (NPA) ang nangyari.
Aniya kabilang ito sa mga desperadong hakbang ng kabilang grupo upang ipakita ang kanilang lakas sa pamamagitan ng pananakot.
Tiniyak rin ng militar ang masusing imbestigasyon upang mabigyan ng katarungan ang mga sibilyan na nadamay sa nangyari.
Samantala, labis naman ang pagdadalamhati ng Far Eastern University (FEU) Tamaraw Community sa pagkasawi sa insidente ng football player na si Kieth Absalon, 21-anyos.
Nabatid na 13-anyos pa lamang ito nang magpasimula sa kaniyang football journey habang nagkamit rin ng matataas na karangalan kagaya ng Midfielder of the Year awards, six-time UAAP champion sa High School Football at pinangalanang Most Valuable Player sa UAAP Season 78.
Naging kinatawan rin ito ng bansa sa 2018 AFF Championships sa Indonesia bilang kasapi ng Under 19 Philippine team.