KALIBO, Aklan – Umiinda na dahil sa mababang bookings ang mga hotel at resort owners sa isla ng Boracay para sa pasko at bagong taon.
Ayon sa Tourism Congress of the Philippines (TCP), kumpara noong nakaraang taon, mababa ang bilang ng mga bisitang inaasahang papasok sa isla para sa pasko at bagong taon sa Disyembre 31 kahit itinuturing ang mga ito na super peak season.
Ilan sa mga nakikitang dahilan ng mababang arrivals ay ang kaunting flights sa Kalibo at Caticlan airport, mataas na pamasahe sa eroplano at pagkansela ng ilang chartered flights, kung saan karamihan sa apektado rito ay mga turistang Chinese.
Dahil dito, naghahanda ng marketing plan ang mga stakeholders sa tulong ng Department of Tourism upang lalo pang ma-promote ang isla sa mga pangunahing markets sa labas ng bansa maliban sa mga Chinese.
Bukod sa mga Europeans, isa pa sa mga pinupuntirya nilang bansa ang Japan na kamakailan ay binigyan ang Pilipinas ng Excellent Partner Award sa Japan Tourism Expo dahil sa pagkilala sa ginawang rehabilitasyon sa Boracay.
Balak nilang magsagawa ng “destination-specific road show” simula sa susunod na taon.