-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Naging pahirapan ang rescue operations na isinagawa ng Bureau of Fire Protection (BFP) kasabay ng sunog sa isang hotel sa lungsod ng Bacolod kaninang madaling-araw.

Dakong alas-4:00 ng madaling-araw nang masunog ang Java Pension House Bacolod o ang dating Bascon Hotel, corner Gonzaga-Locsin Streets kung saan marami ang mga guest at tenants.

Kabilang sa mga naka-check in ay mga estudyante sa Bacolod, mga turista, mga dayuhang negosyante at mga taga-Negros Occidental na magpapa-check up ngayong araw.

Ilang mga guest ang napilitan pang umakyat sa rooftop ng hotel dahil sa makapal na usok.

Dahil dito, kaagad na gumamit ang boom crane ang Bureau of Fire Protection at fire volunteers upang mailigtas ang mga tao na nasa ikapitong palapag ng building.

Nang mailigtas na ang dalawang bata sa rooftop, dito naman nagsimula ang apoy sa nasabing bahagi ng hotel.

Ayon kay Fire C/Insp. Publio Ploteña, fire marshall ng lungsod ng Bacolod umabot sa 5th alarm ang sunog.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pag-apula ng sunog habang inaalam ng BFP kung ano ang pinagmulan ng apoy.

Ngunit sa naunang panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa hindi na nagpakilalang pedicab driver, nagsimula ang sunog sa ground floor.

Sinabi nito na may nakita silang tatlong katao na pumasok sa hotel kaninang madaling araw at nagnakaw ng helmet na kanilang sinunog at itinapon sa loob.

Ayon naman sa empleyado ng pension house, nasunog ang isang motorsiklo ng upholstery store sa ilalim ng building.

Sa ngayon, malakas ang buhos ng ulan sa Bacolod kaya’t malaki ang tulong nito sa pag-apula sa apoy.