-- Advertisements --

Tiniyak ng Malacañang na mayroong pambayad ang pamahalaan sa mga hotel na nagsisilbing temporary quarantine facilities ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na umuuwi sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ang pahayag na ito ni Presidential Spokesman Harry Roque ay kasunod ng sinabi ng Hotel Sales and Marketing Association (HSMA) na umaabot na sa higit P241 million ang utang ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa 20 hotel sa Maynila, Tagaytay at Cebu na ginagawang accomodation ng mga nagsisiuwing OFWs.

Sinabi ni Sec. Roque, batay sa impormasyon mula sa OWWA, nasa P2.3 billion na ang naibayad ng pamahalaan sa iba’t ibang hotel sa bansa.

Ayon kay Sec. Roque, walang dapat ipag-alala ang mga hotel sa bansa dahil mayroong nakalaang pondo ang gobyerno para pambayad sa mga ito.

Mayroon lamang umanong paper works, proseso, pagbubusisi at berepikasyong kailangang gawin, alinsunod sa procedures ng Commission on Audit (COA) pero babayaran ito ng pamahalaan.