ROXAS CITY – Inatasan ni Governor Esteban Contreras ang mga may-ari ng hotels, restaurants, resorts at iba pang stakeholders sa lalawigan ng Capiz na kumuha lamang ng karne ng baboy at iba pang processed products sa kanilang local sources.
Ito ang nakasaad sa ipinalabas na African Swine Fever Advisory ng opisyal upang hindi makapasok daw ang ASF sa lalawigan.
Ipinagbabawal din ng gobernador ang pagkuha ng karne ng baboy, processed at canned products sa mga mga bansang apektado ng ASF at sa ibang lugar sa Luzon na walang kaukulang dokumento katulad ng veterinary health certificate, meat inspection certificate mula sa National Meat Inspection Service, at shipping transport permit.
Umaapela rin ito ng tulong sa pag-monitor sa iligal na distribusyon ng karne ng baboy at iba pang pork products sa lalawigan.
Nabatid na una nang nagpositibo ang lalawigan ng Rizal at Bulacan sa ASF na nagresulta sa pagkamatay ng mga baboy sa lugar.