Hiling ng mga lokal na mangingisda probinsiya ng Zambales na malaya silang makapangisda sa may Bajo de Masinloc o mas kilalang Scarborough Shoal.
Ito ang ipinarating ng mga lokal na mangingisda sa mga local government officials ng Zambales, Philippine Navy at Philippine Coast Guard (PCG) na dumalo sa isinagawang Fishermen’s Forum kahapon sa Iba, Zambales.
Nais ng mga mangingisda na magkaroon sila ng full access sa may bahagi ng Scarborough Shoal kagaya ng China na kinontrol ang shoal simula nuong 2012.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Northern Luzon Command (NOLCOM) Spokesperson Lt. Col. Isagani Nato kaniyang sinabi, ibat-ibang hinaing ang ipina-abot ng mga lokal na mangingisda at isa-isa din itong pinakinggan at tinugunan ng mga opisyal mula sa ibat ibang concerned agencies.
Hindi lamang problema sa mga Chinese Coast Guard ang ipina-abot ng mga mangingisda kundi ang mga mangingisdang Vietnamese na palapit ng palapit sa teritoryo ng Pilipinas para mangisda kung saan naaapektuhan ang kanilang hanap-buhay dahil nababawasan ang kanilang mga huling isda.
Umaasa ang pamunuan ng Nolcom na sa isinagawang Fishermen’s forum kahapon ay magkaroon na ng solusyon sa isyu sa nasabing lugar.
Sa kabilang dako, inihayag ni Ltc Nato na batay sa pag-uusap kahapon nagtalaga ng hotlines ang PNP at Philippine Coast Guard kung saan maaaring tumawag at makipag-ugnayan ang mga mangingisda kapag nalalagay sa alanganin ang kanilang mga buhay habang nangingisda sa karagatan.
Layon ng pagkakaroon ng hotline ay maging timely ang natatanggap na impormasyon mula sa mga mangingisda nang sa gayon agad makapag responde ang mga otoridad sa anumang.
Tiniyak naman ng mga concerned agencies sa mga mangingisda na makakarating sa mga kinauukulan ang kanilang mga hinaing.
Nakahanda namang bigyan ng seguridad ng militar at Philippine Coast Guard (PCG) ang mga mangingisda ng Zambales.
Dagdag pa ni Nato na hindi naman lahat ng concern ng mga mangingisda ay ang pambu-bully, ang iba ay hindi umano patas ang palitan ng halaga.
Aminado din ang ilan sa mga mangingisda na nakakatulong din sa kanila ang mga bagay na tini trade sa kanila ng mga Chinese lalo na pag masama ang panahon at sila ay istranded.