Binuksan ng Land Transportation Office (LTO) ang “Aksyon on the Spot” hotline laban sa mga online scammer at mapangabusong mga motorista.
Sa gitna ng paglaganap ng online scams, inilunsad ng ahensiya ang naturang hotline na maaring pagsumbungan ng mga reklamo kabilang ang phishing scams ng cybercriminals na nagi-impersonate sa ahensiya sa pamamagitan ng pagpapadala ng fake traffic violations.
Ayon kay LTO chief ASec. Atty. Vigor Mendoza, layunin ng paglulunsad ng hotline na matiyak ang agarang pagtugon ng pamahalaan laban sa mga lumalabag na motorista para masiguro ang kaligtasan ng lahat ng road users.
Kaugnay nito, hinihimok ang publiko na magpadala lamang ng mensahe o magreklamo sa numerong 09292920865 kapag nakakita ng mg mapang-abuso o pasaway na motorista.
Magpapamigay din ang LTO ng Aksyon on the Spot stickers sa mga motorista lalo na sa mga magrerenew ng license registration ng kanilang mga sasakyan.
Ang layunin aniya nito ay para magamit ang feature ng hotline na mayroong QR code na magbibigay ng access sa mga magrereklamo para pormal na makapaghain ng complaints.
Samantala, sinabi din ng LTO chief na makikipagugnayan sila sa iba pang law enforcement agencies para palakasin ang pagpapatupad nito gayundin ang mga gagawing hakbang sa mga matatanggap na reklamo mula sa naturang hotline.