Pinalawig pa ng Magnolia Hotshots sa lima ang kanilang sunod-sunod na panalo makaraang masungkit ang 99-88 panalo kontra sa Meralco Bolts sa 2019 PBA Commissioner’s Cup na ginanap sa MVA City Coliseum sa Zamboanga City nitong Sabado.
Sumandal ang Hotshots kay hometown star Marc Barroca na kumubra ng team-high na 21 points at pitong assists, samantalang nagpakawala naman ng apat na 3-pointers si Paul Lee upang magtapos na may 18 markers.
Hindi rin nagpaawat si import Jamea Farr na kumolekta ng double-double na 19 points at 17 rebounds.
Itinala ng Magnolia ang 5-2 kartada upang umusog palapit sa top two slots na okupado ng TNT (7-1) at NorthPort (7-2).
Natamo naman ng Meralco ang kanilang ikaapat na dikit na pagkabigo, rason para malaglag sila sa 3-6 baraha.
Kasabay nito, sinira rin ng panalo ng Hotshots ang debut sa Meralco ni import Delroy James, na humataw sa kanyang 35 points at 10 rebounds.
Umpisa pa lamang ng laro ay inangkin na agad ng Magnolia ang abanse at humantong pa sa puntong gumawa ng 21-point lead ang Hotshots sa final canto.
Bagama’t sinubukan ng Meralco na bumangon nang tapyasin nila sa 52-58 ang iskor sa kalagitnaan ng third quarter, hindi nila napanatili ang paghahabol pagsapit ng huling period.
Narito ang mga iskor:
Magnolia (99) – Barroca 21, Farr 19, Lee 18, Sangalang 11, Jalalon 9, Melton 6, Simon 5, Pingris 4, Herndon 3, Dela Rosa 3, Brondial 0.
Meralco (88) – James 35, Newsome 10, Tolomia 8, Hodge 6, Faundo 6, Jackson 5, Quinto 3, Salva 2, Amer 2, Canaleta 2, Caram 2, Pinto 0, Hugnatan 0.
Quarterscores: 32-15; 51-53; 72-63; 99-88.