Sisiyasatin ng House of Appropriations Committee ang intelligence fund sa gitna ng pagpuslit ng sinibak na si ex-Bamban Mayor Alice Guo sa Pilipinas at iba pang hindi nareresolbang high-profile cases.
Kabilang sa bubusisiin ang nagpapatuloy na imbestigasyon sangkot ang inakusahang sex offender at human trafficker na si KOJC leader Pastor Apollo Quiboloy at dating BuCor chief Gerald Bantag.
Sa isang statement, sinabi ni Appropriations Committee at Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co na kanilang seryosong hihimayin ang alokasyon at paggamit ng intel funds. Sinabi din nito na ang pagpuslit ni Guo sa kabila pa ng immigration lookout bulletin ay isang malaking concern.
Gayundin sina Quiboloy at Bantag na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin aniya nahuhuli.
Kaugnay nito, binigyang diin ng mambabatas ang pangangailangan para masuri kung paano ginagamit ang intel funds para maiwasang maulit ang parehong kabiguan sa hinaharap.
Ginawa ng House panel ang desisyon matapos na makapuslit sa bansa si Guo na isinasangkot sa mga krimen sa POGO hub sa kaniyang bayan sa Bamban.
Samantala, kasalukuyan din na nagsasagawa ng raid ang kapulisan sa compound ng KOJC sa Davao city para arestuhin ang puganteng si Quiboloy.
Tinutunton din hanggang sa ngayon ang kinaroroonan ni dating BuCor chief Bantag na wanted dahil siya ang umano’y utak sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.