Ipinag-utos ng Court of Appeals sa Dili, Timor-Leste na ilagay sa house arrest si dating Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr. habang inaantay ang karagdagang extradition proceedings dahil nananatili itong flight risk o posibleng tumakas.
Sinabi ng korte na nahaharap si Teves sa multiple murder charges sa PH na nagtungo sa Timor-Leste sa pamamagitan ng private plane noong Abril 2023.
Inihayag din ng korte na nanirahan si Teves sa isang nirentahang bahay na may buwanang renta na $10,000 kasama ang kaniyang asawa at 2 anak at mahigit 20 empleyado kung saan 10 dito ay mga Pilipino habang ang 10 iba pa ay mga Timorese.
Nabanggit din ng korte na siya ay nagtatrabaho bilang isang kasosyo ng isang construction firm, na ang may-ari ay nagbigay sa kanya ng suportang pinansyal.
Bunsod nito, napagpasyahan ng korte na nananatili ang flight risk para sa extraditee lalo na’t mayroong pinansiyal na paraan si Teves para umalis ng Timor-Leste.
Saad pa ng korte na mapapahupa ang flight risk sa pamamagitan ng pag-apply ng Coercive Measure of House Arrest. Ayon pa sa Korte na valid ang pagkulong kay Teves dahil ito ay isinagawa kasunod ng detention warrant na inisyu ng hukom.
Matatadaan na inaresto ang dating mambabatas sa Dili, Timor Leste habang naglalaro ng golf base sa Interpol red norice na inisyu laban sa kaniya noong Pebrero ng kasalukuyang taon.
Nahaharap nga si Teves sa patung-patong na kaso ng pagpatay kay dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo at 9 na iba pa noong Marso 4, 2023.
Maliban dito, kinasuhan din si Teves kaugnay sa pagkamatay ng 3 indibdiwal sa Negros Oriental noong 2019.
Subalit sa panig ng dating mambabatas, nauna na rin nitong itinanggi ang pagkakasangkot sa naturang mga kaso.