Inihayag ng isang mambabatas na ang resulta ng imbestigasyon ng House Committee on Human Rights ay maaaring palakasin ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa umano’y mga krimen laban sa humanity ng dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang opisyal ng kaniyang administrasyon.
Siniguro ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez na ang pagdinig ng komite sa extrajudicial killings (EJKs) hinggil sa controversial war on drugs ng dating administrasyon ay maaring gamitin bilang ebidensiya sa ICC.
Sinagot naman ni Fernandez ang pahayag ni dating PNP Chief at ngayon ay Senator Ronald Dela Roza na kinukwestiyon ang authority ng house panel sa pagsasagawa ng imbestigasyon.
Ayon sa mambabatas, ang Kamara ay isang independent body.
Sinabi ni Fernandez na nakahanda sila na makipag tulungan sa international bodies partikular ang ICC.
Una ng nanindigan si Pang. Ferdinand Marcos Jr., hindi makikipag tulungan ang bansa sa ICC at wala itong jurisdiction.
Samantala, nagpahayag naman ng pagkadismaya si committee chairperson at Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante hinggil sa hindi pagsipot nina Duterte at Dela Rosa.
Pagsiguro ni Abante na ayaw niyang maging one-sided ang komite kaya ginagawa nila ang lahat para maging patas ang kanilang pag-iimbestiga in-aid of legislation.
Siniguro naman ni Abante na patuloy nilang imbitahan ang dating Pangulo at si Senator Dela Rosa.