VIGAN CITY – Pinawi ng Kamara ang pangamba ng publiko hinggil sa maaaring pagsakup ng mga dayuhan sa bansa lalo na sa mga public utilities kagaya ng transportasyon, telecommunication at iba pa matapos na lumusot na sa Mababang Kapulungan ang House Bill 78 o New Public Service Act.
Sa nasabing panukala, papayagan na ang mga dayuhan na pumasok at magmay-ari ng mga negosyo sa sektor ng transportation, tubig, kuryente, telecommunication at iba pang public utilities.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, ipinaliwanag ni AAMBIS- OWA partylist Rep. Sharon Garin na siyang chairman ng House committee on economic affairs na wala umanong dapat na ikabahala ang publiko dahil hindi naman basta-basta na makakapasok sa mga nasabing industriya sa Pilipinas ang mga dayuhang negosyante o mamumuhunan.
Ito ay dahil dadaan pa rin umano ang mga ito sa tamang proseso o validation ng mga concerned agencies kagaya na lamang ng Department of Transportation sa mga gustong pumasok sa sektor ng transportasyon; National Telecommunications Commission sa mga papasok sa telecommunication sector at iba pa.
Nakalusot sa Kamara ang nasabing panukala sa pamamagitan ng botong 163 na sang-ayon; 43 na kontra at isang kongresista ang nag-abstain.