-- Advertisements --

Nakahanda ang House Committee on Transportation na imbestigahan ang nangyaring technical glitch sa NAIA nuong araw ng Bagong taon na nagsanhi sa pagka balam sa operasyon ng paliparan at mahigit 60,000 pasahero ang naapektuhan.

Ayon kay House Committee on Transportation Chair at Antipolo Representative Romeo Acop na bukas ang kaniyang komite na imbestigahan ang insidente kung saan nagka problema ang facility ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Sinabi ni Acop sa sandaling may mambabatas na maghain ng resolusyon ay handa silang magsagawa ng imbestigasyon.

Interesado rin kasi si Acop na malaman kung nagkaroon ng kapabayaan sa hanay ng CAAP kaya nagkaroon ng aberya ang operasyon sa paliparan.

Ipinunto ng mambabatas na dalawang taon hindi nagamit ang NAIA dahil sa Covid-19 restrictions at bago muling binuksan ang paliparan ay mahalaga na nakapagsagawa ng maintenance audit assessment.

Inihalimbawa ni Congressman Acop ang isang sapatos matapos na hindi magamit ng ilang taon ay “ngumanga” na nang muling isuot at ang sasakyan na dalawang taong hindi pina-andar ay dapat masuri muna bago muling gamitin.

Binigyang-diin ng mambabatas na jhindi na katanggap-tanggap kung muling mauulit ang naturang aberya.

Samantala, nakatututok ngayon sa recovery flight ang pamunuan ng NAIA sa pakikipag tulungan ng ibat ibang airline companies.

Ayon kay CAAP SPokesperson Eric Apolonio tinutugunan na ang mga flights ng mga pasaherong nakansela dulot ng technical glitch.

Kahapon personal tinungo ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista ang paliparan upang alamin ang estado ng mga pasahero na naistranded at kung ano pang mga tulong ang kanilang kakailanganin.