-- Advertisements --

Makalipas ang 12 pagdinig, pormal nang tinapos ng House committees on legislative franchises at good government and public accountability ang kanilang hearings sa 25 taong prangkisa ng ABS-CBN.

Bumuo ang dalawang komite ng isang technical working group na tatrabaho sa magiging rekomendasyon base na rin sa pagsusumang ginawa ng mga kongresista sa mga issues na ipinupukol sa Lopez-led broadcast company.

Ang naturang dokumento ang siyang magiging basehan ng mga miyembro ng legislative franchises committee sa 25-year franchise application ng kompaniya.

Bukas nakatakdang magpulong ang naturang komite na pinamumunuan ni Palawan Rep. Franz Alvarez.

Hindi naman sinabi pa ni Alvarez kung bukas na rin isasagawa ang botohan ng kanyang komite para rito.

Samantala, sa kanyang manifestation ay umapela si House Speaker Alan Peter Cayetano na ihinto na ang pag-iintriga sa ABS-CBN franchise.

Wala aniyang mangyayari kung magsisiraan at magpapakalat ng kasinungalingan sapagkat magpapalala lamang ito sa issue.

Mariin namang itinanggi ng network ang isyu na tangka umanong bribery na ibinulgar ng isang mambabatas.

Dalawa namang co-author na mga congressman ang nag-withdraw sa franchise bill.

Ang mga supporters naman ng telebisyon ay nagsagawa ng motorcade rally na umaabot sa 100 mga sasakayan upang umapela sa mga mambabatas sa magaganap na botohan.