Binalingan ng Democrats sa U.S. House of Representatives si Secretary of State Mike Pompeo matapos nitong maglabas ng subpoena laban sa kalihim.
Isa ito sa hakbang ng Democrats sa patuloy na ginagawang impeachment inquiry laban kay President Donald Trump.
Ang naturang subpoena ay may kinalaman umano sa mga dokumento na iniuugnay sa kontrobersyal na pakikipag-usap umano ni Trump sa Ukrainian government.
Hindi umano naipasa ni Pompeo sa tamang panahon ang mga dokumento at impormasyon na gagamitin sa isinasagawang imbestigasyon.
Naglalaman ang nasabing mga dokumento nang pagkikipag-usap ni Trump kay Ukrainian President Volodmyr Zelenskiy pati na rin ang July 25 phone call ng dalawang pinuno.
Kasunod ito nang inilabas na complaint ng isang whistleblower kung saan humingi umano ng pabor ang American president kay Zelenskiy na maaaring makatulong dito upang muling mahalal bilang pangulo ng US.
Ayon sa mga mambabatas, inilagay umano ni Trump sa kapahamakan ang national security maging ang integridad ng nalalapit na eleksyon.
Nagtakda naman ang House Foreign Affairs, Intelligence and Oversight Committees ng depositions para sa limang state department officials sa loob ng dalawang linggo. Kasama rito si Kurt Volker, US top envoy to Ukraine.
Noong Biyernes nang magresign si Volker ngunit hindi malinaw ang dahilan sa kaniyang naging desisyon.