Iginiit ni Deputy Majority Leader at Iloilo First District Representative Janette Garin na dapat maglabas ng mga opisyal na ulat at safety precautions ang kinauukulan upang maiwasan ng mga Pilipino na mahawaan ng virus.
Sinabi ito ni Garin na dating kalihim din ng Department of Health at hindi rin dapat aniya mag-panic dahil sa Nipah virus (NiV) na kumakalat ngayon sa India.
Suablit binigyang diin nito na dapat maipaalam sa publiko ang tungkol sa virus at mga sintomas nito.
Nanawagan din ang mambabatas para sa agarang pagtutulungan ng Department of Health (DOH) at Department of Agriculture (DA) para sa agresibong surveillance.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang Nipah virus ay kadalasang naililipat mula sa mga hayop patungo sa mga tao, at ang mga tao ay maaari ding mahawa kung sila ay nagkaroon ng close contact sa isang nahawaang hayop o sa mga likido sa katawan nito.
Sinabi din ng mambabatas na hindi na bago sa NiV ang Pilipinas dahil ang bansa ay nagkaroon ng mga kaso noong 2014 na may dokumentadong hawaan mula sa mga fruit bats patungo sa mga kabayo at patungo sa mga tao kung saan ang mga pagkain ng mga kabayo ay kontaminado ng ihi at ang pagtatago ng paniki.
Pinayuhan din ng Deputy Majority Leader ang publiko na hugaang maigi ang mga prutas at gulay, lutuing mabuti ang karne, at maghugas ng kamay para maging ligtas mula sa virus. Iminungkahi din niya na ang mga indibidwal na nakakaranas ng patuloy na lagnat at katamtaman hanggang sa matinding pananakit ng ulo ay dapat kumonsulta na sa doktor.