Nanindigan si House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st district Rep. Janette Garin na inosente siya kasunod ng pagbabayad ng piyansa may kinalaman sa graft at technical malversation charges na isinampa laban sa kaniya sa Office of the Ombudsman.
Nasa P108,000 ang halaga ng piyansa.
Ang naturang mga kaso laban kay Rep. Garin ay may kinalaman sa umano’y kaniyang naging papel sa kontrobersiyal na dengue vaccination program sa mga batang mag-aaral na pinangunahan ng Department of Health kung saan siya ang tumayong kalihim noon sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Nadawit si Rep. Garin sa isyu dahil sa umano’y realignment ng mga pondo at umano’y pagdaragdag ng mga pondo para sa pagbabakuna ng Dengvaxia.
Ipinaliwanag ng mambabatas na ang pagbabayad ng piyansa ay bahagi umano ng proseso para patunayang wala silang kasalanan. Ito rin aniya ay isang mahalagang hakbang para matiyak ang patas na paglilitis at pagprotekta sa karapatan ng isang indibidwal.
Umaasa din ang mambabatas na ang unang hakbang na ito para malinis ang kanilang pangalan ay matutugunan sa tamang oras upang makabalik na ang mga siyentista at doktor sa kanilang regular na tungkulin.