-- Advertisements --
FRANCE CASTRO

Nilinaw ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers Rep. France Castro ang kaniyang posisyon kaugnay sa posibleng hakbang para sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay sa umano’y hindi awtorisadong paggamit ng confidential funds noong 2022.

Ayon sa mambabatas, pagdating sa usapin ng impeachment, wala pa silang pinaplano dahil premature pa aniya ito na kailangang pag-aralan dahil may nakita silang paglabag sa Konstitusyon subalit hindi aniya ito ang kanilang pangunahing layunin.

Saad pa ng mambabatas na ang kanilang pinaghahandaan ay ang magiging report ng Commission on Audit (COA) sa kanilang imbestigasyon sa confidential funds ni Duterte.

Sinabi din ng mambabatas na kung mayroong confidential funds para sa OVP dapat na kasama sa 2022 General Appropriations Act subalit wala naman umano silang nakita dahilan kayat pinalutang ng mambabatas ang posibilidad na ang pagreallign ng pondo ay iligal.

Mas mabuti aniya kung haharap si VP Sara sa House of Representatives sa isasagawang deliberasyon para sa pondo ng Office of the Vice President upang personal nitong maipaliwanag kung saan nakuha ng kaniyang tanggapan ang mahigit P125 million confidential funds noong nakalipas na taon.

Samantala, una naman ng inihayag ng Office of the Vice President na nagamit ng tama ang confidential funds matapos na ilabas ng COA ang report nito sa spending ng OVP.

Sa inilabas ding statement kahapon, sinabi ni VP Sara Duterte na bukas ito para sa posibleng imbestigasyon ng COA.