ILOILO CITY- Tinuligsa ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang economic managers ng Duterte administration dahil sa patuloy umanong pagharang sa panukala na magtatapyas sa buwis ng produktong petrolyo upang agad na bumaba ang presyo nito.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Zarate, sinabi nito na kung hindi hinarang ng mga economic managers, naaprubahan na sana ang panukala na sususpinde sa excise tax na ipinapataw sa produktong petrolyo.
Ginawa ni Zarate ang pahayag matapos magpatupad ang mga kompanya ng langis ng muling pagtataas sa presyo ng kanilang produkto ang ikalabing-isa na sunod ngayong taon.
Napag-alaman na inaprubahan na ng House Committee on Ways and Means ang panukala na alisin ang excise tax sa diesel at kerosene at ibaba ang ipinapataw sa gasolina.
Sa ngayon, nakabinbin pa ito sa Kamara de Representantes.