Hinamon ni House Deputy Speaker Ralph Recto ang mga economic managers ng administrasyong Marcos na patunayang mali ang mga kritiko ng Maharlika Investment Fund.
Dapat aniyang maipakita ng mga ito na hindi mangyayari ang mga pinangangambahan ng mga kritiko, lalo na ang pagkakagasta ng walang kabuluhan sa sovereign wealth fund na ilalaan sa ilalim ng MIF.
Dapat din aniyang maipakita ng mga economic managers ang ipinangakong kikitain ng pamahalaan sa pagtatatag ng sovereign wealth fund.
Paliwang ng Kongresista, nasunod ang disenyo at kagustuhan ng mga mambabatas para sa nasabing panukala. Nakapagpasok din aniya ang mga ito ng safety nets upang hindi maabuso at hindi magamit sa maling paraan ang pondo dito.
Maging ang kwalipikasyon ng mga mamamahala sa nasabing pondo ay inilatag din sa ilalim ng batas.
Ayon kay Recto, nasa kamay na ng mga ito ang tuluyang tagumpay ng kontrobersyal na batas.