Nakikipag-ugnayan ngayon ang House Committee on Aquaculture and Fisheries Resources sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang masiguro na patuloy na nabibigyan ng tulong ng ahensiya ang mga mangingisda sa West Philippine Sea.
Layon din nito na matiyak na epektibong umaasiste ito sa coast guard at militar sa pagbibigay proteksiyon at suporta sa mga Filipinong mangingisda.
Ayon kay Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan, nasa 35,000 na mangingisda ang naka depende sa karagatan ng West Phil Sea na siyang kanilang hanap buhay kaya nararapat lamang na protektahan ang mga ito laban sa mga delikadong aksiyon ng China Coast Guard sa pinag-aagawang karagatan.
Pinuri naman ni Yamsuan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) sa patuloy nitong pag protekta sa mga mangingisda lalo na sa panibagong trespassing policy ng China.
Binigyang-diin naman ng Kongresista na walang epekto ang “no-trespassing” ng Beijing sa produksiyon ng isda sa bansa dahil hindi nito kinikilala ang unilateral at baseless na deklarasyon.
Siniguro ng BFAR na maaari pa rin ipagpatuloy ng mga mangigisda ang pangingisda sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.