Pinagtibay ng House Committee on Legislative Franchises ang isang resolusyon na nanawagan sa National Telecommunications Commission (NTC) na suspendihin ang operasyon ng Sonshine Media Network International (SMNI) dahil sa paglabag nito sa termino ng kanilang prangkisa.
Ang SMNI ay nag-o-operate sa ilalim ng prangkisa na ibinigay sa Swara Sug Media Corporation ng Kongreso noong Agosto 2019 sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11422.
Sa pagdinig ng komite nitong Martes, inaprubahan ni Parañaque City Rep. Gus Tambunting ang mosyon na pagtibayin ang House Resolution (HR) No. 1499 kaugnay ng mga paglabag ng SMNI sa termino ng prangkisa nito partikular ang pagpapakalat nito ng maling impormasyon at red-tagging.
Ayon sa may-akda ng resolusyon na si PBA Party-list Rep. Margarita “Atty. Migs” Nograles nabigo ang SMNI na tuparin ang mga kondisyong nakasaad sa pribilehiyong ibinigay ng Kongreso na naglalayong protektahan ang interes ng publiko.
Binigyan-diin ni Nograles na ang resolusyon ay nagsusulong ng interes ng publiko laban sa mali at malisyosong pamamahayag.
Iginiit din ni Nograles na ang kanyang resolusyon na nananawagan na suspendihin ang operasyon ng SMNI ay hindi pag-atake sa press freedom kundi pagdepensa sa karapatan ng mga Pilipino na makakuha ng tamang impormasyon.
Ang pagpapatibay sa resolusyon ni Nograles ay naging hudyat ng pagtatapos ng ikalawang araw ng pagdinig ng Franchise committee sa isinasagawa nitong imbestigasyon kaugnay ng mga umano’y paglabag ng SMNI sa termino ng prangkisa nito.
Inaasahan ang pagkakaroon muli ng pagdinig ng komite kaugnay ng isyu.
Ang imbestigasyon ay nag-ugat sa privilege speech ni House Deputy Majority Leader David “Jay-Jay” Suarez bilang tugon sa akusasyon sa programa ng SMNI na “Laban Kasama Ang Bayan” na gumastos si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng P1.8 bilyon sa mga biyahe nito.
Sa resolusyon ni Nograles, hiniling nito sa NTC na agad ipatigil ang operasyon ng SMNI hanggang sa matapos ng komite ang pagdinig nito upang mapigilan ang pagpapakalat ng maling impormasyon at maprotektahan ang interes ng publiko.