Nanindigan si House Committee on Good Government and Public Accountability Chair Cong. Joel Chua na walang pulitika sa ginagawang pagsisiyasat ng kaniyang komite.
Ginawa ni Chua ang pahayag kasunod na rin ng patutsada kahapon ni Vice President Sara Duterte na ang ginagawang pagdinig ay isang fishing expedition at political attack na may layuning tanggalin siya at tuluyang alisin ang kaniyang tyansa sa 2028 Presidential Elections.
Sagot ni Chua, ang ginagawang pagdinig ay dahil sa panawagang siyasatin ang hindi maipaliwanag na mabilisang paggamit sa confidential at intelligence fund ng Department of Education at Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Chua, nagsimula ang panawagan mula sa pagdinig ng Committee on Appropriations habang pinagdedebatehan ang 2025 budget ng OVP.
Dahil sa maraming katanungan ukol sa kung ano ang nangyari sa CIF ni VP Sara na hindi rin nasagot ni Duterte, kinailangan aniyang magkaroon ng hiwalay na pagdinig dito.
Dagdag pa ni Chua, may oversight function ang Kamara na siyasatin ang paggasta ng mga pondo.
Hindi aniya maliit na pondo ang nakapaloob sa CIF ni VP Sara at wala ring akmang mga paliwanag dito ang pangalawang pangulo.