-- Advertisements --

LA UNION – Patuloy na tumataas ang kaso ng tigdas sa Region One.

Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo La Union ni Dr. Jimuel Cardenas, medical officer V ng DOH-1, at dahil dito aniya, nasa measles watchlist ng kagawaran ang Ilocos Region.

Sinabi rin ni Dr. Cardenas na hindi pa maaaring ideklara ang measles outbreak sa rehiyon, dahil kontrolado pa ang sitwasyon at nananatili silang responsive para tugunan ang problema.

Sa pinakahuling datus mula Enero hanggang Peb. 28 ngayong taon, mayroon nang 667 na kaso ng tigdas sa buong rehiyon at 16 dito ang namatay, halos lahat ay mula sa lalawigan ng Pangasinan.

Samantala, sinabi pa ni Dr. Cardenas na plano nilang magsagawa ng house to house vaccination at sa iba’t ibang paaralan, target ang mga kindergarten hanggang grade 6 students.

Kasabay nito, hiniling ng manggagamot sa lahat ng mga magulang na makipagtulongan sa kanilang adhikain na puksain ang sakit na tigdas sa pamamagitan ng pagpapabakuna laban sa tigdas.