Isinusulong ni House Deputy Minority Leader ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na imbestigahan ang nangyaring pagtaob ng motorboat na MB Princess Aya sa Binangonan, Rizal na nagresulta pagkalunod ng 27 pasahero.
Ayon sa mambabatas, kailangang matukoy ang dahilan ng trahediya at panagutin ang mga responsable sa insidente.
Ipinunto din ng mambabatas na hindi dapat ipagsawalang bahala na lamang ang nangyaring trahedya dahil tungkulin nila bilang kinatawan ng mamamayan na tiyaking maisisilbi ang hustisiya at mailatag ang mga hakbang upang mapigilang mangyari muli ang kaparehong insidente sa hinaharap.
Kabilang aniya sa dapat mabusisi ay kung naipatupad ang proper safety measures, kung seaworthy ang motorbanca at kung may angkop na pagsasanay at kwalipikasyon ang mga crew.
Nanawagan din ang mambabatas sa Kongreso na pag-aralan ang kasalukuyang maritime laws and regulations para palakasin ang safety standards at matiyak ang proteksiyon ng mga pasahero.
Ayon sa tanggapan ng mambabatas, bumabalangkas na ng isang resolution para hilingin sa House ang pagsasagawa ng inquiry sa naturang insidente, in aid of legislation.
Magugunita na tumaob ang Princess Aya noong Biyernes, Hulyo 28 habang papalabas ng bansa ang Super Typhoon “Egay”.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na overloaded ang naturang motorbanca na may kapasidad lamang na 42 pasahero ngunit nadiskubre na lagpas sa 60 ang sakay nito nang lumubog.