Ang pagpapahiwatig na may masamang mangyayari sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 22 ay isa umanong seryosong usapin na dapat imbestigahan.
Ito ang paalala ni Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng naging pahayag nito na kanyang itinatalaga ang sarili bilang “designated survivor”.
Sinabi ni Gonzales, na hindi kinakailangan ng mga Pilipino sa ganitong pagkakataon ang mga banta ng kaguluhan at pagpapasabog, tulad na rin ng napapanood sa Netflix series kung saan ang lahat ng mga opisyales ng Estados Unidos, kasama na ang Pangulo, ay nasawi sa taunang pagpapahayag ng kalagayan ng bansa.
Naalala rin ni Gonzales ang sinabi kamakailan ni VP Sara na tatakbo sa pagkasenador ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, at dalawang kapatid na sina Davao City Mayor Sebastian at Congressman Paolo.
Mayroon din umanong naging pahayag ang Bise Presidente na tatakbo ito sa pagka-alkalde ng Davao City sa susunod na eleksyon.