-- Advertisements --

Nanawagan si Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ng isang pambansang hakbang para protektahan ang mga botante mula sa digital deception, kasunod ng ulat tungkol sa paggamit ng mga pekeng social media accounts upang ipagtanggol si dating Pangulong Rodrigo Duterte at manipulahin ang mga isyu na maaaring makaapekto sa resulta ng 2025 midterm elections.

Sinabi ni Gonzales dapat protektahan ang sambayanang Filipino mula sa mga accounts na nagpapakalat ng propaganda at panlilinlang.

Ayon sa mambabatas mula sa Pampanga, lumabas sa ulat ng Reuters na halos one-third ng mga social media account na nagpo-post tungkol sa kaso ni Duterte sa International Criminal Court (ICC) ay peke.

Ayon sa tech firm na Cyabra mula sa Israel, ang mga parehong taktika ay ginagamit ngayon sa isang “deliberate, organized” na kampanya upang hubugin ang opinyon ng publiko ukol sa darating na halalan sa Mayo.

Nagbabala si Gonzales na ang patuloy na pagkalat ng digital manipulation ay isang seryosong banta sa integridad ng proseso ng halalan sa bansa.

Hinimok din ni Gonzales ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Department of Information and Communications Technology (DICT) na magkatuwang na maglunsad ng national digital literacy program upang matulungan ang mga estudyante at publiko na matukoy at labanan ang mga disinformation campaign.

Nanawagan din siya sa lahat ng partido na tahasang tutulan ang paggamit ng “click armies” at bayarang influencers.